Panukala na mag-eexempt sa income tax sa kompensasyon ng mga guro na magsisilbi tuwing halalan, lusot na sa isang komite ng Kamara

Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang “taxation provision” ng substitute bill na layong ilibre sa income taxation ang lahat ng kompensasyon ng mga guro na magsisilbi sa national at local election.

Layunin ng unnumbered substitute bill na i-exempt sa income tax ang ibinabayad sa mga guro na tumatayong poll workers tuwing halalan sa ilalim na rin ng Election Service Reform Act o RA 10756.

Agad namang inaprubahan ng komite ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang panukala na siya namang ikinatuwa ng isa sa mga may-akda na si ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro.


Bagama’t sa ilalim ng kasalukuyang batas ay itinataas ang honoraria, allowances at kompensasyon ng mga guro na umuupong myembro ng Board of Election Inspectors, ikinukonsidera naman ng kasalukuyang rules at regulations ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na income ang election compensation at pinapatawan ng buwis.

Nakasaad sa panukala na hindi papatawan ng income tax at hindi isasama sa computation ng gross income ang anumang kabayaran na ipinagkakaloob sa mga guro tuwing eleksyon.

Tiniyak naman ni Salceda na bilang isa sa mga lider sa Kamara ay sisiguruhin niya ang paga-pruba sa panukala bago ang nakatakdang 2022 national election.

Facebook Comments