Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 8829 na layong alisin ang mga imprastraktura na haharang o “eye sore” sa mga national landmark ng bansa.
Sa botong 210 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay napagtibay ang Cultural Property Sightline Act na layong ipagbawal ang pagtatayo ng anumang real estate development na makasisira sa view, sightline o setting ng mga national shrines, monuments, landmarks at iba pang cultural properties ng bansa na kinikilala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Inaamyendahan ng panukalang batas ang Republic Act 10066 o ang “National Cultural Heritage Act of 2009.”
Inaatasan din ng panukala ang mga Local Government Units (LGUs) na magpasa ng ordinansa na magbibigay proteksyon sa cultural property na kanilang nasasakupan.
Ipagbabawal rin sa panukalang batas ang relocation o paglilipat at pagbabago sa mga national historical landmarks, shrines, monuments at sites para bigyang daan ang development sa lugar na makakaapekto sa visual impact ng mga cultural properties ng bansa.