Panukala na magbibigay ng dagdag na benepisyo sa mga media workers, muling isinusulong sa Kamara

Muling isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo para sa mga media worker.

Sa House Bill 304 na inihain nina Camarines Sur Representative Lray Villafuerte, Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Horibata at Bicol Representative Nicolas Enciso VIII, layunin na matiyak na makakatanggap ng komprehensibong benefit package ang mga media worker na kapantay sa benepisyong natatanggap ng mga nasa labor force sa parehong gobyerno at pribadong sektor.

Sa ilalim ng panukala, ang mga media worker na nasa “entry-level position” ay makakatanggap ng minimum na buwanang sahod na tinukoy ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) o Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).


Mayroon ding bubuuhin na News Media Tripartite Council na siya namang magpapanukala na baguhin o itaas ang matatanggap na minimum hazard pay ng mga manggagawa sa media.

Itinutulak din na pagkalooban ang bawat media worker ng P500 kada araw na hazard pay kung maitatalaga sa mga mapanganib na lugar na may giyera, nakahahawang sakit, pagsabog ng bulkan, radiation, distressed o isolated stations at mga lugar na deklaradong nasa ilalim ng “state of calamity o emergency”.

Facebook Comments