Inaasahang maisasabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na “Extended Producer Responsibility Act of 2022” bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo.
Niratipikahan na noong nakaraang linggo ng Kamara ang House Bill 10696 at Senate Bill 2425 na nag-aamyenda sa Republic Act 9003 o “Ecological Solid Waste Management Act of 2000.”
Kapag naging ganap na batas, palalakasin nito ang Extended Producer Responsibility (EPR) mechanism bilang praktikal na pamamaraan para sa episyenteng waste management na nakasentro sa waste reduction, recovery at recycling at development ng mga environment-friendly product.
Binibigyang responsibilidad ang producers sa kanilang mga plastik na produkto kung saan ang mga kompanya na ang magpapabalik sa mga consumer sa biniling plastik na produkto at sila na ang magre-recycle at magdi-dispose nito.
Mahaharap sa multa at kanselasyon ng permit ang mga kompanya at negosyo na lalabag sa batas habang mabibigyan naman ng insentibo ang mga kompanyang makasusunod sa extended producer scheme.