Tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2560 o ang panukalang Anti-Financial Account Scamming Act o AFASA na layong bigyang proteksyon ang mga kababayan laban sa mga online scams at iba pang uri ng panloloko.
Ayon kay Senator Mark Villar, hindi na kakailanganin pang dumulog sa korte ng mga mabibiktima ng scam kung ang kapabayaan ay kagagawan ng mga bangko, e-wallets at financial institutions.
Sa pamamagitan aniya ng AFASA ay magkakaroon na ng pinalakas na safeguards laban sa mga fraudulent transactions sa pamamagitan ng pagaarmas sa mga financial institutions ng risk management systems na magbibigay sa kanila ng sapat na kapangyarihan at otoridad para i-flag ang mga kahina-hinalang transaksyon.
Mahaharap naman sa habambuhay na pagkakabilanggo ang mga mapapatunayang scammer oras na maisabatas ang panukala.
Naniniwala pa ang senador na makakatulong ang panukala para matigil na ang paglaganap ng mga scam na patuloy na nanloloko sa maraming Pilipino.