Panukala na maglilibre sa bayad sa biyahe ng mga ihahatid na relief goods, aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukala na layong ilibre sa bayad ang mga ibabyaheng tulong o relief goods sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Nakasaad sa inaprubahang House Bill 5070 na walang dapat singilin sa freight services ng paghahatid ng relief goods para sa mga biktima ng natural o man-made disasters.

Inaatasan ng panukala na tatawaging Relief Goods Free Transportation Act, ang Office of the Civil Defense (OCD), sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pa na huwag maningil sa mga nakarehistrong relief organization para sa pagbiyahe ng relied goods sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.


Layunin din ng panukala ang mabilis ngunit sistematikong relief operations na magliligtas sa buhay ng mga biktima ng sakuna.

Naniniwala ang mga nagtutulak ng panukala na kung magiging libre ang paghahatid ng relief goods, magagarantiya nitong mabilis at sasapat ang ayuda sa mga indibidwal at komunidad na naapektuhan ng trahedya.

Facebook Comments