Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na maglilibre sa pagbabayad ng travel tax ng mga dependent ng Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa botong 171 na pabor at walang pagtutol ay pinagtibay ang House Bill 6138 na nagbibigay ng travel tax exemption sa mga dependent ng kasal o solo parent na OFW.
Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na kung saan, ang exempted lamang sa travel tax ay ang mga anak ng may asawang migrant workers.
Maliban sa travel tax, magiging exempted na rin ang mga dependent ng OFWs sa documentary stamp tax bilang airport fee.
Itinutulak rin ng panukala na maging pantay ang pribilehiyo sa mga OFW bilang sukli na rin sa malaking kontribusyon ng mga tinaguriang bagong bayani sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.