Nakalusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala na nagpapalakas at nag-aamyenda sa Continuing Professional Development Act of 2016.
Sa ilalim ng House Bill 9311 ay hindi na pupwersahin ang mga professionals na kumuha ng Continuing Professional Development (CPD) program units para sa renewal lamang ng Professional Identification Card.
Sa halip ay gagawing requirement ang CPD kung nais ng isang Filipino professional ng career progression o shift sa propesyon.
Binibigyang mandato ang mga professionals na kumuha at kumpletuhin ang 45 CPD units sa loob ng apat na taon mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Layunin ng panukala na pagbutihin ang CPD kung saan mabibigyan ng training ang mga professional para sa pagkakaroon ng mas magandang oportunidad at pagkamit sa mas mataas na posisyon sa ahensya ng gobyerno o sa pribadong kompanya.
Naunang tinukoy naman ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sponsor ng panukala, ang kahalagahan ng pagkuha ng mga Filipino professional ng CPD units para sa pagpapaigting at pagpapataas ng antas ng kanilang professionalism.
Inaatasan naman ang mga ahensya ng pamahalaan na maglaan ng pondo para sa training ng kanilang mga professionals.