Manila, Philippines – Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukala na magpapalakas sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Inaamyendahan ng House Bill 8909 na pangunahing iniakda ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act no. 9165 o mas kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Sa ilalim ng panukala, papatawan na rin ng parusa ang exportation ng droga o kemikal na magmumula sa Pilipinas maliban sa importasyon ng droga.
Kasama na rin sa paparusahan ang mga nagpapaupa ng kanilang lugar para gawing laboratoryo sa paggawa ng droga.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng panukala ay ang pagkakaroon ng legal presumption sa kung sino ang maikukunsiderang importer, financier at protektor ng iligal na droga.
Inamyendahan rin ng panukala ang depinisyon ng drug trafficking na magiging illegal cultivation, culture, delivery, pamamahala, pamamahagi, paggawa, pagbebenta, pag-aangkat, pagpapadala, chemical diversion at pag-iingat ng anumang uri ng dangerous drug o sangkap sa paggawa nito.