Umapela si Senator Alan Peter Cayetano sa mga kasamahang mambabatas na pagtibayin na ang mga panukalang batas na makakatulong sa mga sektor na maaapektuhan ng tuluyang pag-ratify sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Nagpahayag ng suporta si Cayetano sa tuluyang paglagda ng Pilipinas sa RCEP na magpapaluwag sa palitan ng produkto at serbisyo sa pagitan ng 15 bansa.
Naniniwala ang senador na tiyak naman ang benepisyo sa ilalim ng nasabing free-trade agreement ngunit tiyak din na may sektor na mapagiiwanan dito.
Kaya naman hinikayat ni Cayetano ang mga kapwa mambabatas sa Senado na samantalahin ang pagkakataon na isabay sa ratipikasyon ng RCEP ang pagapruba at pagpopondo sa mga capacity-building programs at safety nets na magbibigay proteksyon sa mga sekto na maaapektuhan ng kasunduan.
Ang RCEP ay isang kasunduan sa pagitan ng mga bansang miyembro ng ASEAN kasama ang Japan, South Korea, China, New Zealand, at Australia na layuning luwagan ang mga patakaran sa kalakalan at bababaan o aalisin ang buwis na ipinapataw sa mga produkto, serbisyo, investment, at e-commerce.
Sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas na lamang ang hindi pa lumalagda sa RCEP.