Panukala na mamamahala sa physical therapy, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pag-basa ang panukala na naglalayong gawing de-kalibre at globally competitive ang mga physical therapist sa bansa.

Ito ay ang House Bill 8452 o “Philippine Physical Therapy Law,” na nakakuha ng Yes votes sa 274 na mga kongresista.

Aamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 5680, na naging batas noong 1969, para sa regulasyon ng propesyon ng physical at occupational therapy.


Batay sa datos ng World Confederation for Physical Therapy, mayroong higit sa 14,600 physical therapists sa Pilipinas hanggang nitong 2019.

Iniuutos ng panukala ang pagtatag ng Professional Regulatory Board of Physical Therapy na mapapasailalim sa Professional Regulation Commission.

Ito ang siyang magpapatupad ng mga ilalatag na panuntunan; magbabantay sa pagparerehistro, lisensya, at paggamit ng physical therapy; pagbuo ng listahan ng mga physical therapists; at maglabas, magsuspendi, magkansela o magbalik ng rehistro at lisensya.

Facebook Comments