Panukala na mandatory first aid training sa mga tourism worker, inihirit ng isang kongresista na madaliin na ang pag-apruba

Pinaaapura ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na maaprubahan agad ang panukala na nagsusulong ng mandatory first aid training para sa mga tourism worker.

Layunin ng panukala na makadagdag ng puntos para sa higit na pagpapalakas ng turismo sa bansa sa oras na magbukas ng husto ang ekonomiya.

Napuna kasi ng kongresista na may mga pagkakataong naaaksidente ang isang turista ngunit hindi agad malapatan ng lunas dahil walang sapat na kaalaman sa first aid.


Sa pag-sponsor ni Biazon sa House Bill 8781, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng first aid training sa mga tourism worker na siyang magpapaigting sa kaligtasan at seguridad ng mga domestic at international travelers sa Pilipinas.

Target ng panukala na bawat tourism establishments, tourism-oriented organizations at iba pang indibidwal na nagbibigay ng tourism-related services ay maging certified first aiders na makapagbibigay ng agarang tulong sa sinumang turistang mangangailangan ng pangunang lunas.

Oobligahin ang mga ito na sumailalim sa basic first aid training ng Philippine Red Cross o ng iba pang training institutions kaakibat ng pag-iisyu ng nararapat na training certification.

Ang mandatory first-aid training sa tourism sector ay bahagi rin aniya ng pagbibigay ng CASH sa mga turista o ang Convenience, Accessibility, Safety/Security, at Hospitality.

Facebook Comments