Panukala na mandatory SIM registration, lusot na sa ikalawang pagbasa ng Senado

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang Senate Bill 1310 o ang mandatory SIM Registration Bill.

Bago pagtibayin sa second reading ay nagpasok muna ng mga amyenda sa panukala ang ilang mga senador.

Kapag naisabatas, ang lahat ng bagong bibilhin na SIM ay hindi muna activated at magagamit lang kapag inirehistro online gamit ang tunay na pangalan at valid identification card ng subscriber.


Ang mga active prepaid SIM naman ay bibigyan ng 180 araw para mairehistro at kung lumagpas dito ay awtomatikong ide-deactivate ng telecommunications company.

Mahigpit namang inaatasan ang mga telcos na ingatan at gawing pribado ang lahat ng mga impormasyon ng parehong postpaid at prepaid subscribers maliban kung ito ay hingiin ng otoridad o ng korte dahil sa imbestigasyon sa kaso.

Mahaharap naman sa parusang kulong at multa ang mga hindi awtorisadong maglalabas ng datos ng mga telco subscribers.

Mariing itinutulak ang panukala upang mabigyang proteksyon ang publiko laban sa lumalalang text scams sa bansa.

Facebook Comments