Target ng Senado na pagtibayin sa unang quarter ng taon ang panukala na nag-a-amyenda sa batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed term para sa mga top official ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mababatid na nagkakaroon ng isyu sa bagong pasang batas dahil mapagkakaitan ng promosyon ang ilang mga military official na nasa ibaba dahil sa tatlong taong fixed term na ito.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nag-usap na sila ni Senator Jinggoy Estrada na Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security para bumuo ng technical working group na mag-aaral nito.
Aamyendahan ng Kongreso ang Republic Act 11709 para limitahan na lang ang mga opisyal na sasaklawin ng ‘fixed term’ para mawala na ang tampo ng mga junior officer.
Sa kasalukuyang batas, may tatlong taong ‘fixed term’ ang Chief of Staff ng AFP, Vice Chief of Staff, Deputy Chief of Staff, Inspector General at mga namumuno sa Philippine Army, Philippine Navy, at Philippine Air Force.
Pero sa inaprubahang panukala ng Kamara, hindi na kasama sa tatlong taong termino ang Vice at Deputy Chief of Staff, mga commander ng Unified Command at Inspector General.