Panukala na nag-aamyenda sa bank secrecy law, pinamamadali ang pag-apruba sa Kamara

Nanawagan si Deputy Speaker at CIBAC Partylist Rep. Bro. Eddie Villanueva sa Kongreso na mag-apruba ng panukala na nag-aamyenda sa ilang dekada ng bank secrecy law.

Ang apela ng mambabatas ay kaugnay na rin sa pagkakabilang ng bansa sa grey list ng dirty money watchdog sa Paris na Financial Action Task Force (FATF).

Sa House Bill 8991 ay layong amyendahan ang Republic Act 1405 o “The Secrecy of Bank Deposits” sa pamamagitan ng pagsusulong ng transparent governance at paglalagay ng anti-corruption na mekanismo sa operasyon ng mga bangko.


Partikular na ino-otorisa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na busisiin ang mga bank deposits habang isinasagawa rin ang imbestigasyon sa mga nagsarang bangko lalo na kung may sapat na basehan para sa katiwalian, iregularidad o labag sa batas na mga aktibidad.

Iginiit ni Villanueva na napapanahon nang amyendahan ang umiiral na bank secrecy law upang mabigyan ng kapangyarihan ang BSP na busisiin ang nature ng mga bank deposit upang mawakasan ang korapsyon, money-laundering at kahit terrorist financing.

Dagdag pa ng kongresista, sa kasalukuyang framework ng batas ay nagagamit ng mga tiwali ang ‘confidentiality’ ng mga bank deposits para pagtakpan ang kanilang mga ilegal na gawain na nagiging sanhi ng paghina ng foreign investment sa bansa at pagtaas sa halaga ng mga cross border business transactions.

Facebook Comments