Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala na layong amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa botong, 188-Yes, 11-No at 9-Abstain ay tuluyang pinagtibay sa plenaryo ang House Bill 7814 o An Act Strengthening Drug Prevention and Control.
Isinusulong sa panukala ang “legal presumptions” laban sa mga personalidad na kinukunsiderang nagkakanlong o protector at financier ng drug suspects at mga sindikato; importers at exporters; maging ang manufacturers ng mga iligal na droga; at consenting lessors o landlords na nagpapaupa ng mga lugar na ginagamit bilang laboratory o drug dens.
Nakasaad din dito ang panukalang amyemda sa Section 21 ng batas, kung saan gagawin nang mandatory ang pagsusuot ng body cameras ng mga law enforcer tuwing may anti-drug operations.
Mababatid na inihayag ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na palalakasin ng amyenda sa batas ang kampanya ng bansa laban sa iligal na droga.