Dalawang panukala na may kaugnayan sa pagtatanim ng puno ang nakapasa sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa botong 222 ‘yes’ at wala namang pagtutol ay nakalusot sa plenaryo ang “Family Tree Planting Act”.
Sa ilalim ng panukala ay oobligahin ang mga magulang sa bansa, kasal man o hindi, na magtanim ng dalawang puno sa bawat sanggol na ipapanganak.
Ang mga puno ay itatanim sa kanilang mismong bakuran ng tahanan o kaya ay sa designated area sa kanilang mga barangay.
Samantala, nakapasa rin sa third and final reading ang House Bill 6931 o “Graduation Legacy for Reforestation Act.”
Ire-require ang mga graduating senior high school at college students sa ilalim ng panukala na magtanim din ng dalawang puno bilang “civic duty” para sa proteksyon at preservation ng kalikasan.
Inaatasan ng panukala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Local Government Units (LGUs) na tukuyin ang mga lugar na pagtataniman ng puno.