Inaasahang agad na mapapagtibay ang panukalang batas na nagbabawal sa “no permit, no exam policy” sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.
Iniakyat na sa plenaryo ang Senate Bill 1359 na layong pagbawalan ang lahat ng mga paaralan sa bansa, public man o private, sa lahat ng antas, na tanggihan na kumuha ng midterm at final exams ang mga mag-aaral na hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan.
Nakapaloob sa panukala ang pagpapataw ng multa na P20,000 hanggang P50,000 para sa bawat paglabag ng isang educational institution na tatangging bigyan ng pagsusulit ang isang mag-aaral na walang permit at may utang pang bayarin sa paaralan.
Sakop ng panukala ang lahat ng eskwelahan mula elementarya hanggang kolehiyo kasama na ang vocational institute.
Samantala, para patas din sa paaralan ay mayroong probisyon kung saan bago makakuha ng pagsusulit ay kailangang lumagda ang estudyante o ang kanilang magulang o legal guardian sa isang promissory note kung saan nakasaad ang petsa kung kailan makakabayad at pinahihintulutan ang mga paaralan na tubuan ito ng hanggang 6% per annum.
Pinapayagan din ang mga eskwelahan na hindi isyuhan ang isang estudyante ng clearance o certificate hanggang hindi nababayaran ang obligasyon sa paaralan.