Panukala na nagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Duterte na i-defer ang PhilHealth contribution hike, lusot na rin sa komite ng Kamara

Aprubado na sa House Committee on Health ang House Bill 8316 o ang panukala na magbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspindihin ang nakatakdang pagtataas ng premium rate contribution ng PhilHealth.

Sa ilalim ng ipinasang panukala na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, inaamyendahan dito ang Section 10 ng Universal Health Care Act kung saan nakatakdang tumaas ngayong 2021 sa 3.5% mula sa kasalukuyang 3% ang premium rate contribution sa mga PhilHealth members.

Nakasaad sa panukala na bibigyang kapangyarihan ang Pangulo na i-defer o suspendihin ang scheduled PhilHealth premium rate contribution matapos ang konsultasyon sa mga Kalihim ng Department of Finance (DOF) at sa Department of Health (DOH).


Ikinukunsidera sa pagpapatupad ng suspensyon kapag may national health emergency lalo na kung nakasalalay dito ang kapakanan ng publiko.

Bumuo naman ng technical working group ang komite para talakayin at i-consolidate ang iba pang panukala kaugnay sa suspension ng PhilHealth contribution.

Samantala, nauna namang pinagtalunan sa komite ang mosyon ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na kung saan ang Kongreso ang bibigyang otoridad na i-defer ang annual incremental sa premium rate ng PhilHealth tuwing may national health emergency dahil ito ay ipinagutos naman na ng Pangulo at bibigyan naman ng kapangyarihan ang Presidente na i-reinstate o ibalik ang dagdag na kontribusyon.

Facebook Comments