Isinalang na sa Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs ang panukalang batas na nagdedeklara tuwing February 1 na “National Hijab Day”.
Ang hijab o belo ay ang kasuotan ng mga babaeng Muslim na itinatakip sa kanilang ulo, batok hanggang dibdib.
Ayon sa Chairman ng komite na si Senator Robin Padilla, ang panukala ay kumikilala sa kalayaan ng mga kababaihang Muslim na magsuot ng belo na bahagi ng kanilang paniniwala.
Inaasahan din ni Padilla na matitigil ang “stereotyping” o maling representasyon at diskriminasyon sa tradisyon at paniniwala ng mga babaeng Muslim.
Sinabi naman ni Ako Bakwit Chairman Samira Gutoc, na malaking tulong sa kanila ang hijab na naging “lifeline” at inspirasyon nila para malimutan ang depresyon noong kasagsagan ng Marawi siege.
Inirekomenda naman ni National Commission on Muslim Filipinos-Bureau on Muslim Cultural Affairs Dir. Ceazar Maranda na sa halip na isang araw ay gawing buong buwan ng Pebrero ang promotion ng Hijab.