Panukala na nagsusulong ng maluwag na patakaran sa pampublikong pagtitipon, pasado na sa komite ng Kamara

Nakalusot na sa komite ng Kamara ang substitute bill ng House Bill 6297 o New Public Assembly Act of 2019.

Sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni San Jose Del Monte Rep. Rida Robes ay naaprubahan ang panukala na nagpapawalang bisa sa Public Assembly Act of 1985.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, isa sa mga mahahalagang probisyon sa panukala ay bibigyan na lamang ng notice ang local government unit kaugnay sa public assembly na isasagawa.


Sa kasalukuyang batas ay kailangan pa ng written permit para sa isang grupo o indibidwal bago sila payagan na makapagsagawa ng pagtitipon tulad ng rally sa mga public places.

Itinutulak naman ni Robes ang pagbibigay ng proteskyon sa mga menor de edad sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabawal sa kanila na sumama sa mga kilos-protesta.

Tinutulan naman ni Ifugao Rep. Solomon Chungalao ang nais ng Makabayan bloc na basta na lamang magsagawa ng mga protesta, dahil kailangang may kaakibat umano itong pananagutan.

Naniniwala pa rin ang may akda na si Zarate na positibong hakbang ito ng komite na luwagan ang pagsasagawa ng public assembly dahil masisiguro ang right to assemble and freedom of expression ng publiko.

Facebook Comments