Lusot na sa House Committees on Energy, Transportation at Ecology ang substitute bill na nagsusulong sa paggamit ng electric vehicles at pag-develop sa electric vehicles industry sa bansa.
15 panukala ang pinagsama na tatawaging “Electric Vehicles Act.”
Layunin ng panukala na makalikha ng trabaho para sa mga local skilled workforce, matiyak ang energy security ng bansa at maging independent sa paggamit ng imported fuel ng transportation sector.
Layon din ng panukala na hikayatin ang publiko sa paggamit ng alternative energy at low emission technologies gayundin ang maprotektahan ang kalusugan ng mga tao laban sa masamang epekto ng polusyon at greenhouse effect.
Lilikha naman ng Electric Vehicles Board (EVB) na pamumunuan ng Kalihim ng Department of Energy (DOE) at siyang bubuo ng mga polisiya at regulasyon ng panukala.
Nakapaloob sa panukala ang paglalagay ng dedicated parking lots para sa mga electric vehicles gayundin ang mga gasoline stations ay inoobliga na maglagay ng charging stations.
Mabibigyan naman ng tax incentives ang mga importers ng electric vehicles, charging stations at mga kagamitan para sa manufacturing ng mga nabanggit.
Sa oras na maging ganap na batas ay mahaharap sa multang ₱50,000 hanggang ₱500,000 ang mga lalabag o kaya naman ay suspensyon o pagbawi ng permit.