Kinalampag ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan ang Kamara na madaliin na ang pagpapatibay sa panukala na poprotekta at magsusulong ng intellectual rights ng mga indigenous cultural community (ICC) at indigenous people (IP).
Ang panawagan ng Mindanaoan lady solon ay kaugnay na rin sa kontrobersyal at umano’y kawalang respeto ng vlogger na si Nas Daily sa kultura ni Apo Whang-Od at sa Butbot tribe.
Tinukoy ni Sangcopan, na bagamat may umiiral na batas na Republic act 9371 o Indigenous Peoples’ Right Act (IPRA) of 2007, hindi ito nagsisilbing probisyon para mabigyang proteksyon ang intellectual rights ng mga ICC at IPs.
Sa ilalim ng House Bill 7811, naniniwala ang mga kongresista na magagawang mapanatili, maprotektahan at mapaunlad ang nakalipas, kasalukuyan at hinaharap na kultura ng mga ICC at IPs, gayundin ang pagpapanumbalik sa kanilang cultural, intellectual, religious, at spiritual property na kinuha ng walang pahintulot at ang paglabag sa kanilang batas, tradisyon at kaugalian.
Isa sa mga pangunahing probisyon ng panukalang batas ay ang paglikha ng registry sa ilalim ng National Commission on Indigenous People (NCIP) kung saan ang mga katutubong kaalaman, sistema at kasanayan ay kinakailangang mairehistro at maitala.
Bukod dito, ang mga indigenous community ay “entitled” sa pagtanggap ng kabayaran para paggamit sa kanilang community intellectual right, upang maiwasan ang pang-aabuso sa tribo na kamakailan na dinanas ng Butbot tribe.
Ang substitute bill nito ay nakalusot na sa committee level, at inaasahang maaaprubahan upang maiwasan ang isyu na dinanas sa ibang kultura ng mga katutubo.