Lusot na sa komite ng Senado ang panukalang batas na tulad sa smuggling ay ituring na ring kasong economic sabotage at walang pyansa ang hoarding, profiteering at pagka-cartel ng mga agricultural product.
Sa panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act o Senate Bill no. 2432, ituturing na economic sabotage ang pagpupuslit ng mga gulay, karne, isda at iba pang agricultural products gayundin ang sobra-sobrang importasyon at pagtatago ng mga puslit na kalakal.
Ituturing na hoarding kapag ang imbak ng isang negosyante ay 30 percent na mas mataas kesa sa karaniwang imbentaryo.
Habang ang profiteering naman ay tumutukoy sa kawalan ng price tag, pandaraya sa timbang at kalidad ng produkto at kapag nagtakda ng presyo na 10 percent na mas mataas kumpara sa nararapat na presyo.
Samantala, ang cartel naman ay ukol sa pagsasabwatan ng dalawa o higit pa para ipitin ang suplay at maitaas ang presyo ng produkto.
Mahaharap sa parusang habambuhay na pagkakabilanggo at malaking multa kapag ang halaga ng ipinuslit o inipit na agricultural at fishery products ay hindi bababa sa isang milyong piso.
Kung taga gobyerno ang naging kasabwat o tumulong sa paggawa ng krimen, bukod sa nabanggit na parusa ay pagbabawalan na ring humawak sa anumang posisyon sa gobyerno.