Panukala na pagbibigay ng cash gift sa mga aabot ng 80 at 90 years old, aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Senado

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayon na bigyan ng cash gift ang mga senior citizens na aabot sa edad na 80 anyos at 90 anyos.

Lahat ng senador na nasa sesyon ay bumoto ng pabor sa panukala.

Layunin ng panukala na kilalanin ang longevity o pagtatagal ng buhay ng isang tao dahil batay sa mga pag-Taaral, ang life expectancy ng mga babaeng Pilipino ay 78 habang sa mga lalaki naman ay 71.


Ayon kay Senator Imee Marcos na sponsor ng panukala, bibigyan ng P10,000 ang mga lolo at lola na sasapit sa edad na 80 o ang mga octogenarians at P20,000 naman sa mga aabot ng 90 o nonagenarians.

Tulad naman ng ginagawa sa mga nakatatanda na umabot ng 100 taong gulang, ibibigay ang cash gift sa kanilang pamilya kapag ang senior ay pumanaw isang araw o higit pa matapos ang kanilang ika-80 at ika-90 kaarawan.

Mangangailangan naman ng 2.1 billion na pondo para maipatupad ang batas.

Facebook Comments