“Welcome development” para sa Philippine National Police (PNP) ang anumang hakbang na magpapabilis sa pagbibigay ng hustisya.
Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos kaugnay ng Senate Bill No. 2331 na nagsusulong na magtatag ng mga “police court” na tututok sa mga kaso ng pang-aabuso ng mga pulis.
Ayon sa PNP chief na sa panig ng PNP, mabilis na inaaksyunan ng PNP-Internal Affairs Service ang mga kaso ng mga pulis na gumawa ng katiwalian.
Ngunit ang mga kaso ng mga pulis na umaabot sa korte ay natatagalan aniya na maresolba dahil napapasabay ito sa napakaraming ibang kasong dinidinig ng mga korte.
Sinabi pa ni PNP chief na bagama’t hindi siya makapag-komento sa mga probisyon ng nasabing panukala dahil hindi pa ito pinal, suportado niya ang mabilis na pagkamit ng katarungan.