Panukala na pagkakaroon ng sariling security ng Kongreso, dinepensahan ng ilang mambabatas

Manila, Philippines – Kinatigan ni National Defense and Security Vice Chairman Ruffy Biazon ang panukala ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na pagkakaroon ng Philippine Legislative Force o hiwalay na security para sa mga mababatas.

Paliwanag ni Biazon, maituturing na logical step ito sa pagtiyak sa seguridad ng Kongreso na hindi na magiging dependent sa security mula sa PNP at AFP.

Karaniwan na kasi ang mga pulis at sundalo ay naitatalaga sa mga mambabatas para magbantay sa kaligtasan ng mga ito.


Makakatulong din aniya ang pagkakaroon ng sariling security dahil sa ganitong paraan ay makakapag-focus na ang mga law enforcers sa kanilang tungkulin.

Sinabi pa ni Biazon na hindi sapat ang legislative security para gampanan ang pagbibigay seguridad sa mga mambabatas at kulang din ang bansa sa mga pulis at sundalo.

Hindi na aniya bago ito dahil nauna pa ang United States Congress sa pagkakaroon ng United States Capitol Police (USCP) na nagbabantay sa seguridad ng mga kongresista, senador, empleyado, bisita, at congressional buildings laban sa krimen at terorismo.

Facebook Comments