Panukala na pagpapalawig sa voter registration hanggang October 31, lusot na agad sa komite ng Kamara

Mabilis na inaprubahan sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang House Bill 10261 o ang panukalang “Extension of Registration of Voters.”

Sa ilalim ng panukala na inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano, inaatasan ng liderato ng Kamara ang Commission on Elections (COMELEC) na palawigin pa ang voter registration para sa 2022 national at local election.

Itinutulak dito na i-extend ang panahon ng pagpaparehistro ng mga botante hanggang October 31, 2021. Ito ay mula sa orihinal na deadline na September 30.


Agad na nagmosyon kanina si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na pagtibayin na ang panukala dahil ito ay lubusang natalakay naman na sa oversight committee.

Bukod dito, mayroong ini-adopt na rin na resolusyon ang Kamara at Senado para sa extension ng voter registration.

Dagdag din ang bill na inihain sa Senado na nakasalang na sa second reading.

Samantala, ang one week extension ng COMELEC para sa voter registration pagkatapos ng filing ng Certificate of Candidacy (COCs) ay naunang ni-reject ng oversight committee.

Giit ng mga lider ng Mababang Kapulungan, dapat na palawigin ng COMELEC ang panahon ng pagpaparehistro ng mga Pilipino dahil marami ang na-delay ang pagpaparehistro dahil sa pandemya at upang maiwasan ang posibilidad ng “massive voter disenfranchisement”.

Facebook Comments