Friday, January 23, 2026

Panukala na pagtaas sa reward ng mga informant o tipster ng tax fraud o tax evasion, pina-aaprubahan na sa pagbabalik-sesyon

Agad na pina-aaprubahan ni Senator Jinggoy Estrada ang Senate Bill 1011 na nagtatakda ng mas mataas na reward o pabuya sa mga informant laban sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis at iba pang mga paglabag sa Internal Revenues at Customs Laws.

Sa ilalim ng panukala, ang mga tipster o informant ng mga tax fraud na magreresulta sa pagbawi nito at magpaparusa sa mga mapapatunayang may-sala ay makatatanggap ng 10 percent mula sa na-recover na kita, surcharges o fees o P10 million na reward sa bawat kaso depende sa kung alin ang mas mababa.

Ayon kay Estrada, sa kasalukuyan nasa P1 million lang ang pabuya na maaaring matanggap ng informant at nagiging hadlang ito para mahimok ang publiko na makipagtulungan laban sa mga tax evaders.

Sinisiguro naman ng panukala ang confidentiality ng katauhan ng informant at sinumang lalabag dito ay mahaharap sa multa na P1 million at kulong na 15 taon.

Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagtanggap ng pabuya ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno maski mga kamag-anak nito.

Facebook Comments