Kinwestyon ngayon ng ilang mga kongresista kung bakit wala sa prayoridad ngayong pagbabalik sesyon ang panukala para sa anim na buwang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Giit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, tuloy-tuloy pa rin naman ang pagpapatupad ng big time oil price hike.
Katunayan aniya, ngayong pagpasok ng taong 2022 ay nakatatlong beses na ang mga kompanya ng langis sa taas-presyo sa mga produkong petrolyo.
Ngayong linggo lamang aniya ay tataas na naman ang gasolina ng P0.85 hanggang P1.00 sa kada litro, P1.70 hanggang P1.80 sa kada litro naman ng diesel, at P2.10 hanggang P2.20 sa kada litro ng kerosene.
Sinabi ni Zarate na dagdag pahirap na naman ito lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay ngayong Alert Level 3.
Bunsod nito ay mariing nanawagan ang kongresista sa liderato ng Kamara na iprayoridad at madaliin ang pagpapatibay sa panukala na nagsususpinde sa excise tax sa oil at petroleum products.
Kung tutuusin aniya ay “watered-down” o pinalabnaw na nga ang bersyon nito para lamang mapabilis ang pag-apruba at mabawasan man lang agad ang pasanin ng consumers.