Panukala na tutulong sa Financial Institutions at Anti-Discrimination Bill sa mga magkaka-COVID-19, pasado na rin sa komite ng Kamara

Aprubado na rin ng House Defeat COVID-19 AdHoc Committee ang House Bill 6622 o ang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Bill.

Sa ilalim ng panukala ay tutulungan nito ang mga bangko at iba pang financial institutions laban sa impact ng COVID-19 sa kanilang financial operations lalo pa’t sa kasagsagan ng pandemic ay maraming financial institutions ngayon ang delayed sa pangongolekta ng mga pautang at mas tumataas ang mga nagse-settle ng loan sa pamamagitan ng kanilang mga Non-Performing Assets (NPA) tulad ng mga real properties at ibang pag-aari.

Batay sa Bankers Association of the Philippines, tumaas sa 20% mula sa 5% ang non-performing loans sa loob lamang ng isang buwan.


Para maibalik ang pagiging financial intermediation ng mga financial institutions, hinihikayat ang mga ito na ibenta ang mga NPAs sa asset management companies sa ilalim ng Financial Institutions Strategic Transfer Corporations (FISTC) upang makapag-generate ng pera.

Ang mga pribadong sektor, government financial institutions at GOCCs naman ay hinihimok na mag-invest sa FISTC upang makatulong sa pag-rehabilitate ng mga bumagsak na negosyo.

Bukod dito, mabilis ding nakalusot sa mother committee ang HB 6676 o Anti-Discrimination Bill na layon namang protektahan ang mga confirmed, suspected, probable, unrecovered at survivors ng COVID-19 cases laban sa anumang uri ng pang-aabuso at diskriminasyon.

Sa oras na maging ganap na batas, ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang pagkakakulong ng isang taon hanggang sampung taon at multa ng hindi bababa sa ₱200,000 hanggang ₱1 million.

Facebook Comments