Inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang panukalang Philippine Financial Industry Resiliency Act na layong tulungan ang mga bangko at iba pang financial institutions laban sa epekto ng COVID-19 sa kanilang financial operations.
Sa isinagawang virtual meeting ng komite sa pangunguna ng Chairman na si Quirino Representative Junie Cua, sinabi nitong target na maipasa agad sa Kamara ang House Bill 6622.
Layunin ng panukala na tulungan ang mga lugmok na bangko at iba pang financial institutions ngayong pandemic sa mga utang at pagsasaayos ng kanilang Non-Performing Assets (NPAs).
Dahil aniya sa pandemic na nagresulta sa pagkasira ng ekonomiya, maraming financial institutions ngayon ang delayed sa pangongolekta ng mga loan at nalalagay sa alanganin dahil sa pagtaas ng ibinabayad sa kanilang non-performing assets o yung mga real at iba pang properties na kapalit para ma-settle o mabayaran ang utang.
Dahil mas mataas ang nakukuhang NPAs ng mga bangko sa halip na salapi mula sa mga umuutang ay nawawala ang mahalagang papel ng mga ito bilang financial intermediation.
Sa ilalim ng panukala, hinihikayat ang mga financial institutions na ibenta ang mga NPAs sa asset management companies sa ilalim ng Financial Institutions Strategic Transfer Corporations (FISTC) upang makapag-generate ng pera.
Ang mga pribadong sektor, government financial institutions, at GOCCs naman ay hinihimok na mag-invest sa FISTC upang makatulong sa pagrehabilitate ng mga bumagsak na negosyo.
Bibigyan naman ng mga insentibo tulad ng exemption sa pagbabayad ng buwis, at mababang halaga ng registration at transfer fees sa mga NPAs na ililipat mula sa financial institutions papuntang FISTC.