Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na walang hinihinging karagdagang transportation expenses ang mga hog dealers sa Visayas at Mindanao kapalit ng kanilang paghahatid ng buhay na baboy sa Metro Manila at ibang parte ng Luzon.
Ito ang ipinahayag ni National Meat Inspection Service Dir. Reildrin Morales sa isinagawang virtual presser ng DA.
May kaugnayan naman ito sa inihihirit ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na bigyan ng dagdag na transportation expenses ang naturang mga hog traders.
Ani Morales, ang inihihirit lang ng mga hog dealers ay ma-facilitate ang transportasyon ng kanilang ipinapasok na hayop sa mga hangganan ng mga local government units.
Dahil kasi sa African Swine Fever (ASF) scare, bawat LGU ay may mga ordinansa na naghihigpit sa movement ng buhay na hayop.
Gayundin ang available na barko na tuloy-tuloy na magbibiyahe sa mga live hogs.
Sa ngayon aniya ay nakapag-commit na ang ilang shipping lines na magsasakay ng mga buhay na baboy patungong Luzon.
Sa kasalukuyan ayon kay Morales, nakapaghatid na ng nasa 100,000 na buhay na baboy sa Metro Manila at sa ilang areas sa Luzon.