Tinutulan ng ilang alkalde sa Metro Manila ang proposal ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ibaba na Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa pagsapit ng March 1.
Para kay San Juan City Mayor Francis Zamora, mas maganda kung manatili muna sa kasalukuyang quarantine status ang bansa habang hinihintay ang pagdating ng mga bakuna.
Muli namang iginiit ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na dapat nakabatay ang desisyon sa datos hinggil sa bilang ng kaso ng COVID-19.
Kinikilala niya ang mungkahi ng NEDA na layong tugunan ang bagsak na ekonomiya ng bansa pero dapat pa rin aniyang pakinggan ang rekomendasyon ng mga health expert.
Bukod sa pagpapaluwag ng quarantine status, iminungkahi rin ng NEDA na payagan nang makalabas ng tahanan ang mga nasa edad lima hanggang 70-anyos.
Ayon kay Teodoro, hindi pa ito natatalakay ng Metro Manila mayors.
Pero aniya, dapat na kinonsulta rin muna sila hinggil sa pagpapaluwag ng age restriction.
Samantala, kabilang rin sa mga proposal ng NEDA na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa konsiderasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang mga sumusunod:
• Pagpapatupad ng 75% capacity sa mga public transport mula sa kasalukuyang 50%
• Pagkakaroon ng active transport support gaya ng bike lanes
• Pagdaragdag ng provincial buses
• Pagpapatuloy ng pilot-testing ng face-to-face classes