Panukala para maagang makaboto sa halalan ang mga senior citizens at PWDs, pinamamadali na maaprubahan sa Kamara

Pinaaaprubahan na ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Kamara ang substitute bill para makaboto ng maaga ang mga senior citizens at mga Persons with Disabilities (PWDs) sa 2022 elections.

Ayon kay Rodriguez, umaasa siya na maaprubahan kaagad ang House Bill 2839 bago pa man dumating ang araw ng itinakdang halalan.

Nauna nang naipasa sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala para sa maagang pagboto ng mga seniors at PWDs at nakasalang na ito sa Committee on Appropriations para aprubahan naman ang budgetary provisions.


Nakasaad sa panukala na magsasagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng mas maagang botohan para sa mga senior citizens at PWDs, pitong araw o seven working days bago ang petsa ng national o local election.

Magsasagawa rin ng nationwide voter registration para sa mga senior citizens at PWDs upang makasama sa early voting habang ang mga hindi naman makakapagparehistro ay sa mismong araw ng halalan makakaboto.

Magtatalaga rin ng ligtas na lugar ang COMELEC na pwedeng puntahan ng mga matatanda at mga may kapansanan para sa mga kinakailangang komunikasyon, visual at physical aids.

Inihalimbawa pa ng kongresista na tulad sa Estados Unidos ay naging malaking tulong ang “early voting” dahil bukod sa mas gumaan at napadali ang pagboto ay nakapagbigay pa ito ng mataas na turnout ng votes.

Facebook Comments