Bibigyang prayoridad ng House of Representatives ang pagpasa sa panukala para maging legal ang motorcycle taxi at mareporma ang kasalukuyang regulasyon ng transportation network vehicle service (TNVS) sa bansa.
Pahayag ito ni Romualdez, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mabigyan ng mas maraming alternatibo sa transportasyon ang publiko kaakibat ang suporta sa legalisasyon ng motorcycle taxis.
Bunsod nito ay inatasan ni Romualdez ang mga kongresista na tutukan ang House Bill 3412 o Motorcycle Taxi Bill na inihain nina 1-Rider Party-list Representatives Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita para gawing legal ang motorcycle taxis at ayusin ang TNVS regulations.
Para kay Rep. Gutierrez, malaking bagay na mismong ang pangulo at House speaker na ang nagbigay ng kumpas na gawing prayoridad ang panukala kaya posibleng mapagtibay nila ito bago ang State of the Nation Address ng pangulo sa Hulyo.