Umaapela si BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co sa liderato ng Kamara na pagtibayin na ang House Bill 10285 o COVID-19 Benefits for Health Workers Act of 2021.
Giit ng kongresista, kung mabibitin ang panukala ay aabot sa 218,698 barangay health workers ang patuloy na hindi makakatanggap ng angkop na kompensasyon at benepisyo.
Aniya pa, kung hindi maipapasa ang panukala ay hindi maitatama ang Magna Carta of Health Workers.
Sa ilalim kasi ng batas, hindi itinuturing na public health worker ang mga barangay health worker, bukod pa sa Local Government Code na ikinokonsidera lamang ang BHWs bilang volunteers.
Sa ilalim ng panukala ni Co, kasama ang mga barangay health worker na nakatalaga sa ospital, healthcare facilities, laboratories at vaccination sites sa mga ituturing na health care workers na dapat mabigan ng benepisyo tulad ng Special Risk Allowance, hazard pay, insurance at meals, accommodation at transportation allowance.
Sakop din nito ang lahat ng health care workers sa private at public hospitals maging ang mga contractual o job order personnel at non-medical staff na lantad sa COVID-19.
Naaprubahan na ng Senado ang counterpart measure noon pang September 29 habang nananatiling pending sa komite ang panukalang ito sa Kamara.