Panukala para sa bukod na bilangguan ng mga convicted sa karumal-dumal na krimen, malapit ng maging batas

Niratipikahan na ng Senado ang panukalang batas ukol sa pagtatayo ng bukod na bilangguan para sa mga nahatulan dahil sa karumal-dumal na krimen na nagsisilbi ngayon ng sentensya sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Senator Richard Gordon na siyang nag-endorso ng panukala halimbasa nito ang mga hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa mabibigat na krimen tulad ng pagpatay, parricide, infanticide, kidnapping, serious illegal detention, arson, rape, human trafficking at drug trafficking.

Sabi ni Gordon, ipagtatayo sila ng bukod na piitan sa lugar na malayo sa general population, o kaya ay sa loob ng military facility o sa isang isla na malayo sa mainland, isolated at walang magiging komunikasyon sa labas.


Magtatayo nito ng tig-iisa sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Paliwanag ni Gordon, layunin nito na maibsan ang pagsisikip ng mga bilangguan at para rin sa kaligtasan ng publiko at ng mga bilanggo mismo.

Matatandaan naman na isinulong ang naturang panukala makaraang lumabas sa mga imbestigasyon na nakapagpatuloy ng operasyon ang drug lord sa New Bilibid Prison gamit ang cellphones.

Facebook Comments