Panukala para sa dagdag na allowance at sahod sa mga guro, pinamamadali na sa Kamara

Kinalampag nila House Majority Leader Martin Romualdez at Tingog Party-list Representative Yedda Marie Romualdez na aprubahan na ng Kamara ang mga panukala na magpapabuti sa kalagayan ng mga guro kasabay ng pagdiriwang ng World Teacher’s Day.

Partikular na pinamamadali ng mga mambabatas na maaprubahan sa Kongreso ang kanilang mga ini-akda na panukala para sa dagdag na teaching allowance sa mga public school teachers at panukala na mag-aangat ng sahod ng mga private school teachers.

Ayon sa mag-asawang Romualdez, layunin ng HB 7744 o Teaching Supplies Allowance Act of 2019 na mabigyan ang mga guro sa mga pampublikong paaralan ng allowance na kanilang magagamit sa pagbili ng mga gamit sa pagtuturo at IT equipment para maibsan ang kanilang gastusin na pinapasan sa pagtuturo.


Sa ilalim naman ng House Bill 6349 o ang Partnership in Private Basic Education Act, lilikha ng private education fund para sa financing assistance at partnership programs ng mga private educational institution.

Palalawigin sa ilalim ng panukala ang teacher’s salary subsidy sa mga private school teacher upang mailapit sa sweldo at allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Hiniling ng mga kongresista ang agad na pagsasabatas sa mga panukala dahil sa dami ng mga hamon na kinakaharap ng mga guro lalo ngayong may pandemya ay tinitiyak pa rin ng mga teachers na walang batang Pilipino ang mapag-iiwanan sa kanilang pag-aaral.

Facebook Comments