Naaprubahan na sa Kamara ang panukala na layong matiyak na epektibo at magagamit sa wasto ang mga foreign loan at grants sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA).
Sa botong 166 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang pagtiyak na epektibo ang ODA grants at loans.
Pinapayagan sa ilalim ng panukala na gamiting batayan o discount rate benchmark ang mga pinakahuling naisyu na government bonds kapag tatantiyahin ang kasalukuyang halaga sa debt service sa mga grants lalo na kung mas mababa sa 10% fixed rate na itinakda ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Tinukoy ni Ways and Means Chairman Joey Salceda na ang ODA grants at loans ay makakatulong kung ito ay mapapakinabangan ng publiko, kung ang mga kondisyon ay patas, episyente ang paggastos at kung transparent at accountable ang proseso.
Sinabi pa ng kongresista na dahil ito ay kapwa sinuportahan ng mayorya at minorya sa Kamara lalo na ang Makabayan bloc, ipinapakita lamang dito ang pagkakaisa sa pagtiyak na ang utang ng bansa ay para sa mga Pilipino.
Sa oras na maging ganap na batas, ioobliga na mapunta sa aid package o pantulong sa mga nangangailangan ang 25% ng bahagi ng grant ng ODA.
Ang ODA ay isang uri ng financial assistance mula sa mga multilateral banks o foreign governments na layong tulungan ang mga mahihirap o developing countries para sa kanilang economic at welfare development.