Pinabibigyan ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang mga tricycle driver at operators ng proteksyon, mga benepisyo at angkop na serbisyong-pangkalusugan.
Nakapaloob ito sa House Bill 8357 o ang Magna Carta of Tricycle Drivers and Operators na inihain ni Vargas.
Ayon kay Vargas, ang tricycle ay nananatiling “behikulo ng masa,” at kabuhayan ng maraming Pilipino at base sa Land Transportation Office (LTO), noong 2022 ay nasa higit 1.5 million ang mga naka-rehistrong tricycle sa bansa.
Target ng panukala na gawing organisadong sektor at pa-simplehin ang registration system para sa aplikasyon at pag-iisyu ng motorized tricycle operator permit o MTOP.
Ini-uutos din ng panukala ang pagtatayo ng “one-stop-shop” sa bawat lokal na pamahalaan na syang mamamahala sa mga transaskyon ng tricycle drivers at operators.
Nakapaloob din sa panukala na ang mga kabilang sa tricycle sector ay magiging miyembro ng Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at magkakaroon din sila ng life, accident insurance at legal assistance.