Inihain sa Kamara ang isang kahalintulad na panukala sa Senado na nagsusulong sa karapatan ng mga empleyado na makapagpahinga pagkatapos ng oras ng trabaho.
Sa ilalim ng House Bill 10717 o “Workers’ Rest Law” na inihain ni Calamba City Rep. Joaquin Chipeco, layunin nito na maisulong ang kapakanan at kalusugan ng mga empleyado, maging ang karapatan nila sa “privacy at personal life” sa pamamagitan ng pagtukoy ng oras ng pahinga at pagpapataw ng parusa sa mga lalabag.
Inihalimbawa ng kongresista ang sitwasyon sa “new normal” ngayong COVID-19 pandemic kung saan maraming manggagawa lalo na ang nasa “work from home arrangement” ang nagtatrabaho nang lagpas sa oras na itinatakda ng batas.
Dahil dito na nakakaapekto na ito sa “mental heath” at sa oras sa pamilya.
Sakop ng panukala ang lahat ng mga empleyado, maliban sa mga field personnel, domestic helpers, mga kawani sa personal service, at mga manggagawa na binabayaran “by results.”
Ang oras ng trabaho naman ay hindi dapat lalagpas ng 8 oras, habang ang mga nasa “compressed workweek arrangement” ay hindi dapat hihigit sa 12 oras.
Ang sinumang lalabag ay pagbabayarin ng P1,000 para sa bawat oras ng trabaho na apektado.
Kapag naman humantong sa karahasan, pagbabanta o intimidasyon ang ginawa ng offender, mahaharap ito sa “grave coercion” sa ilalim ng Revised Penal Code.
Samantala, parusa na 1 buwan hanggang 6 na buwan na kulong, o multa na hindi bababa sa P100,000 kapag ang paglabag ay nakaapekto sa employment opportunities ng empleyado.