Panukala para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, pinamamadali na

Pinamamadali ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa Kamara ang pag-apruba sa panukala para sa ligtas na pagbabalik eskwela matapos na payagan ang 50% limited capacity ng face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa ilalim ng Alert Level 2.

Sa House Bill 10389 o ang Safe School Reopening Bill ay mapopondohan ang ligtas at unti-unting pagbabalik paaralan ng mga mag-aaral at mga guro.

Mayroong alokasyon na P184 billion para malagyan ng mga pasilidad at iba pang mga kakailanganin ang lahat ng mga paaralan sa bansa upang masigurong ligtas ang mga guro at estudyante sa COVID-19 at maiwasan ang pagkalat ng sakit.


Tinukoy ng Kabataan Partylist na malaking problema na pinapasalo ng pamahalaan sa mga unibersidad ang responsibilidad at gastos para sa ligtas na balik eskwela.

Nariyan pa na kinaltasan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P14.7 billion ang mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa 2022 at wala ring alokasyon na inilaan para sa safe re-opening ng mga campus.

Kinakalampag ng grupo ang Kamara at ang Malakanyang na iprayoridad at pagtibayin na ang panukala na anila’y sukli lang naman kumpara sa pinagsamang confidential at intelligence fund at pondo ng NTF-ELCAC.

Facebook Comments