Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill number 9293 o panukalang Philippine National Nuclear Energy Safety Act na nakakuha ng 200 pabor na boto sa mga kongresista at dalawang abstentions.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, layunin ng panukala na makagawa ng legal framework na siyang mangangasiwa para sa maayos at ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Itinatakda ng panukala ang pagtatayo ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) kung saan isasailalim ang regulatory functions ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI).
Ililipat din sa PhilATOM ang regulatory function ng Radiation Regulation Division of the Center for Device Regulation, Radiation, Health and Research ng Department of Health – Food and Drug Administration.
Itatayo rin ang PhilATOM Council na siyang gagawa ng mga polisiya sa paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Inaatasan din ng panukala ang PhilATOM, na makipag-ugnayan sa International Atomic Energy Agency na nakabase sa Vienna, Austria, na sentro ng kooperasyon sa mundo sa larangan ng nukleyar.