Cauayan City, Isabela- Muling pag-uusapan sa konseho ang inihaing panukala kamakailan ni Cauayan City Councilor Rufino Arcega para sa pagbibigay ng insentibo sa mga senior citizen na bahagi ng pagiging centenarian.
Sa naganap na sesyon kahapon ay kinuwestiyon ng ilang mga konsehal ang mga pangunahing requirements ng nasabing panukala.
Ayon kay City Councilor Paul Mauricio, kailangan na maisama sa requirements ang tagal ng pananatili o residency ng isang senior citizen dahil may mga ilang sitwasyon aniya na maaaring mangyari gaya ng posibleng pagdagsa ng mga senior citizens na hindi naman dating residente ng Lungsod ng Cauayan at gustong mapabilang sa mabibigyan ng insentibo.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Coun. Arcega, mananatili ang P10 libo kada taon ang ibibigay sa mga senior citizen na may edad 95 hanggang 100 taong gulang na ganap ng isang centenarian.
Iminungkahi naman ni City Vice Mayor Leoncio Dalin na minsanan nang ibibigay ang kabuuang P50,000.00 sa mga centenarians na naabot ang edad na 95.
Inaasahan naman na sa susunod na sesyon ay maisasapinal na ang lahat ng nakapaloob sa panukalang ordinansa para makatulong sa mga senior citizen na mapapabilang sa centenarian.