Nakalusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na maghahanda sa publiko sa paglabas sa komunidad sa oras na tuluyang alisin ang quarantine restrictions bunsod ng COVID-19.
Sa botong 242 ‘yes’ at wala namang pagtutol ay naaprubahan ang House Bill 6864 o ang Better Normal for the Workplace, Communities and Public Spaces Act of 2020 sa pinal na pagbasa.
Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang publiko na maging bahagi na ng buhay sa mga susunod na taon o habang may banta pa ng COVID-19 ang kasalukuyang ginagawa ngayon na pagsunod sa health at safety measures tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng masks, pagsunod sa social distancing at temperature checks tuwing nasa pampublikong lugar.
Patuloy rin na susundin ang mga safety at health standards sa mga pampublikong pagtitipon, public transportation, paaralan at mga workplaces.
Sa oras din na maka-adapt na sa new normal ang mga tao ay maaari nang makabalik sa operasyon ang maraming negosyo gayundin ang pagbabalik ng maraming empleyado sa trabaho na walang pangamba na mahahawa ng virus.
Tinitiyak din naman ng panukala na napoprotektahan pa rin ang mga kabilang sa vulnerable sector kahit pa sasailalim na ang bansa sa ‘new normal.’
Ang sinumang indibidwal na susuway sa oras na maging ganap na batas ay mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang dalawang buwan o multa na ₱1,000 hanggang ₱50,000 o parehong parusa depende sa alituntunin na nilabag.
Sususpendihin naman ang lisensya ng mga establisyimentong hindi susunod sa ‘new normal’ habang ang mga government officials at employees na lalabag ay mahaharap sa mas mahigpit na parusa na pagkakakulong ng anim na buwan o multang ₱50,000 hanggang ₱100,000.