Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala na nagsusulong sa karapatan ng mga foundling o inabandonang mga bata.
Sa botong 220 na yes at walang pagtutol ay lumusot ang House Bill 7679 o ang Foundling Welfare Act na layong isulong ang interes at karapatan ng mga inabandonang bata at kilalanin ang mga ito bilang ‘natural-born’ Filipino.
Sa oras na maging ganap na batas, agad na kikilalanin na natural-born citizen ng bansa ang mga foundling na matatagpuan sa mga ampunan at iba pang charitable o government institutions kahit iyong mga batang sumasailalim pa sa proseso ng pag-aampon.
Mahaharap naman sa mabigat na parusa ang sinumang magdi-discriminate, maghahain ng malisyosong reklamo at magkakait sa karapatan ng mga foundlings tulad sa edukasyon, trabaho, mga serbisyo at iba pa.
Nauna nang pinuna ng may-akda ng panukala na si Ang Probinsyano Party-list Rep. Ronnie Ong ang kasalukuyang batas kung saan kinakailangan pang magpakita ng patunay ang isang foundling ng blood relation nito sa isang Pilipinong magulang bago maikonsidera at kilalaning natural-born citizen ng bansa.
Para naman kay House Committee on Welfare of Children Chairman Yedda Marie Romualdez, ang pagpasa ng panukala ay isang hakbang upang maiwasto ang injustice na nararanasan ng mga batang Pilipino na inabandona.