Panukala para sa paggawad ng provisional franchise sa ABS-CBN, lusot na sa 2nd reading

Mabilis na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng binuong Committee of the Whole ng Kamara ang House Bill 6732 na nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN network na naglalayong  makabalik muli ito sa ere matapos na mapaso ang prangkisa noong May 4, 2020.

Sa ilalim ng panukala na inihain nila House Speaker Alan Peter Cayetano, Congressmen Neptali Gonzales II, Raneo Abu, Roberto Puno, Jose Antonio Sy-Alvarado, Dan Fernandez at Luis Raymund Villafuerte ay binibigyan ang ABS-CBN Broadcasting Corporation ng provisional franchise na makapag-construct, install, operate at maintain ng kanilang mga radio at television stations sa buong bansa.

Ang bisa ng provisional franchise para makabalik sa ere ang network ay tatagal lamang nang hanggang October 31, 2020 habang patuloy na dinidinig ng Kamara ang 11 franchise renewal bills ng station.


Kinakailangan din na mag-secure ang kumpanya sa National Telecommunications Commission (NTC) ng mga kinakailangang permits at licenses para sa pagbabalik operasyon ng lahat ng stations at facilities ng giant network.

Hindi naman dapat ibinbin ng NTC ang pagbibigay ng mga kinakailangang dokumento ng ABS-CBN para makapag-operate muli.

Tulad ng ibang panukalang batas, dadaan din ito sa pagdinig ng Senado at sa Bicameral Conference Committee bago ganap na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments