Panukala para sa pagkakaroon ng clinics at health and safety offices sa lahat ng mga paaralan, pasado na sa komite ng Kamara

Lusot na sa House Committee on Basic Education ang panukala para sa pagtatayo ng mga permanenteng clinic at health and safety offices sa mga paaralan.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), sa 47,013 public schools sa buong bansa ay nasa 28% o 13,000 lamang ang mayroong clinics.

Bunsod nito ay napagkasunduan ng mga miyembro ng komite na i-consolidate ang House Bills 821, 3228 at 4232.


Sinabi ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales na may akda ng House Bill 821, na higit ngayong kailangan ng mga klinika sa mga paaralan sa gitna ng pandemya at sa naka-ambang “new normal”.

Tinatayang aabot ng P15.27-billion hanggang P84.83-billion ang kakailanganing pondo para matayuan ang lahat ng eskuwelahan ng klinika.

Tinukoy naman ni Education Undersecretary Alain Pascua na aabutin ng P2.5-million ang pagpapatayo ng isang bagong clinic na mas malaki kumpara sa P450,000 na renovation ng isang classroom.

Samantala, ang clinics ay hiwalay pa sa opisina para naman sa health and safety offices na itatayo rin sa bawat paaralan.

Facebook Comments