Manila, Philippines – Aminado si House Committee on Transportation Chairman Cesar Sarmiento na malabo pang maaprubahan ang House Bill 5092 o ang pagpapalit ng Office for Transportation Security sa National Transportation Security Regulatory Commission.
Sa briefing ng komite kaugnay sa kakulangan ng security measures sa NAIA, inamin ni Sarmiento na hindi pa maaprubahan ang panukalang inihain ni House Speaker Gloria Arroyo para mapalakas ang aviation security measures sa NAIA.
Paliwanag ni Sarmiento, kakaunti na lamang ang panahong natitira sa Kongreso para aprubahan ang panukala para sa paghahanda sa nalalapit na 2019 midterm election.
Mababatid na nag-isyu ng advisory ang Department of Homeland Security ng Estados Unidos sa mga airlines na papuntang Pilipinas na alertuhin ang mga pasahero tungkol sa kakulangan ng security measures ng paliparan.
Ang naturang departamento ay in-charge sa pag-assess sa seguridad ng mga foreign airports kung saan bagsak naman dito ang NAIA.
Hindi umano taglay ng NAIA ang batayan ng International Civil Aviation Organization para sa standard na sinusunod sa paglalatag ng epektibong security measures.